
|
National Council of Churches in the Philippines |

|
Sangguniang Pambansa ng Mga Simbahan sa Pilipinas |
|
Closing Prayer read at the February 15, 2008 rally in Makati City
Diyos ng katarungan at katotohanan, tapos na po ang aming pagbibigay puri sa iyo. Ikaw ang banal, ikaw lamang ang panginoon! Amin pong sinariwa ang iyong sinabi kay solomon “sa sandaling ang bayang ito na aking pinili ay magpakumbaba, manalangin hanapin ako at talikdan ang kanilang kasamaan, diringgin ko sila. Patatawarin ko sila. At ibabalik ko sa kanilang lupain ang katiwasayan at kasaganaan.”
Nawa’y naging kalugud-lugod sa iyo ang aming nagkakaisang panalangin. Nawa’y iyong marapating dinggin ang hinaing ng iyong bayang patuloy na nagdurusa sanhi ng isang pamahalaang hindi nagiging tapat sa paglilingkod. Kalampagin mo ang konsyensa ng pamunuan ng bansang ito upang tanggapin nila ang kanilang pagpapakanulo at pagtalikod sa kapakanan ng nakakarami. Pagsisihan nawa nila ang kanilang kabiguan ayon sa panuntunang iahon ang bansang ito sa bulid ng karukhaan at kawalan ng katarungan.
Linawin mo ang aming mga kaisipan upang manindigan kami sa iyong katotohanan – ang katotohanang magpapalaya sa amin. Bigyan mo kami ng sapat na lakas upang patuloy na isigaw na ang pamunuang busabos at mandarambong ay siyang dahilan ng patuloy na kahirapan. Gabayan mo kami upang isabuhay namin ang iyong pangako na iyong ibabagsak ang mga hari sa kanilang trono at itataas ang mga nasa abang kalagayan. Patibayin mo ang aming pagkakapit-bisig ayon na rin sa iyong kalooban ng buhay na kasiya-siya.
Sa aming pagpapahayag sa hapong ito, panginoon, isinaalang alang po namin ang kinabukasan at kapakanan ng mga susunod na henerasyon. Nais naming sila ay mamuhay ng payapa at malaya. Nais naming sila ay mamuhay ng marangal. Adhikain po naming sila ay mabigyan ng pagkakataon na purihin ka sa tunay na diwa ng pananampalataya at katotohanan.
Basbasan mo po ang pagtitipong ito bilang pagtalima sa iyong kautusan na kung ano ang iyong ibubulong sa amin ay siyang aming isisigaw hanggang lahat ay mayanig, magising at mapaging bago sa iyong katotohanan. Ang mga ito ay hinihiling namin sa pangalan ng diyos, anak at espiritu santo. Amen.
MANATILI NAWA KAMI SA KATOTOHANAN (This is the closing prayer read at the inter-faith rally on February 29, 2008 held in Makati City)
Diyos ni abraham at sarah, diyos ni isaak at rebekah, diyos ni jakob at rachel, diyos ng aming panginoon at tagapagligtas na si hesu kristo, diyos at magulang naming lahat: aming pinupuri ang iyong pangalang dahil ang salita mo ay katotohanan. Ikaw ang katotohanan. Salamat po sa iyong ilaw at tanglaw sa dapithapon. Salamat po dahil ikaw ang aming diyos, salamat po at ikaw ang aming tagapagligtas, salamat po sa iyong kaawan sa lahat ng panahon.
Nawa’y naging kalugod lugod sa iyo ang nagkakaisang panalangin ng iyong bayan dito at sa iba’t ibang dako ng aming bansa sa araw na ito. Salamat po at iyong tinipong muli ang iyong bayan. Aming po’ng ipinahayag ang iyong katuwiran at ipinamalas ang iyong kaluwalhatian. Sa pamamagitan ng sama-sama naming pagpuri sa iyo, amin po’ng ipinunla ang iyong liwanag sa mga matuwid, amin po’ng iniukit ang iyong hustisya sa mga masunurin sa iyo. Aming din po’ng ipinahayag ang iyong mapagpalayang balita ng katwiran sa dakilang kapisanang ito. At hindi namin pinigilan ang aming mga labi sa paghayag ng iyong kabanalan.
Diyos ng pagkalinga at kapayapaan, payapa po ang aming pagkilos ngayon. Hangad po namin ang iyong kapayapaan sa panahon namin at sa mga susunod na henerasyon. Marapatin po nawa ninyo na kami ay manatiling mapagbantay upang hindi maikubli at pagtakpan ang iyong katwiran at nang matagumpay na maipamalita and iyong pagiging tapat at kaligtasan. Pagindapatin po ninyo na kami’y hindi titigil sa gawaing huwag hayaang mailihim ang iyong kagandahang loob at katotohanan.
Sa pamamagitan ng aming pagpapatotoo at ng iyong banal na espiritu, bigyan mo kami ng lakas at pagtibayin ang aming pag-asa na mananaig ang iyong katotohanan at hustiya. Akayin mo kami at himukin pa ang iba naming mga kapatid at kababayan sa aming pagkilos at pagkakaisa ngayon at sa darating pa’ng mga araw hanggang ang lahat ng mga alagad ng kasinungalingan, kasamaan at kasikaman ay mawalis at malusaw sa iyong harapan. Bukas, sa makalawa, sa susunod na linggo magising po sana kami sa isang umaga at isang bansang marangal at tapat sa iyo – ikaw na siyang aming landas, katotohanan at aming buhay. Purihin ka panginoon ngayon at magpakailan man! Amen. |
